This is also one of my writing that I want to share. This one pertains to daily life of a bus conductor that also mirrors the life of an ordinary employee here in the Philippines.
(Life of a Bus Conductor)
“Oh Alabang, Susana, San Pedro! Marami pa makakupo, makakaupo!” Sigaw ng konduktor sa mga pasaherong nag-aabang ng masasakyan sabay ang pagsampa sa hagdan ng iilang taong patungo na sa kani-kanilang destinasyon. Biyaheng Pacita – Malinta ang plakang nakalagay sa unahang salamin ng ordinaryong bus, malaki ito at laging may nakalagay na “E-pass” at “Skyway” para naman makatawag pansin sa mga pasaherong nagmamadali. Ngunit kung minsa’y magtyatyaga na lang sa pagtatawag kahit walang “Skyway-Epass” na nakapaskil. Todo sa pagtawag ang konduktor para makakota sa maghapong kikitain, “O marami pa makakupo, San Pedro – Pacita Skyway!” Muling sigaw ng konduktor sa sumunod na lugar na hinintuan ng bus. Wala masyadong pasahero palibhasa’y nataong Sabado, ngunit kung ordinaryong araw ng pasok ng mga empleyado nakakarami ng pasahero, pero minsan talaga’y kuntento na sa pangilan-ngilang seserbisyuhan. “Ano ba yan, ang tagal naman niyan!” bulyaw ng isang matabang mamang pasahero, dahilan upang mag-umpisa na ring magreklamo ang mangilan-ngilang pasahero. “Male-late na kami niyan sa trabaho” sigaw pa ng isang babaeng nakapang-opisina. Patuloy pa rin sa pagrereklamo ang iilang pasahero. “Pasensiya na ho kelangan talagang kumota!” pagdepensa ng konduktor. “Sana’y inagahan niyo ang alis para hindi kayo male-late, pare-parehas naman po tayong naghahanapbuhay!” sambit na lang ng konduktor sa kanyang sarili. “O Pacita-Susana!” Ang huling hirit na tawag ng kundoktor sa mga naka-antabay na pasahero sa kalsada. “Hop – may sasakay” wika ng kundoktor sa driver para habulin ang matandang babaeng kumakaway, senyales na ito ay sasakay. “Oh Nay hawak po” sabi ng konduktor habang inaalalayan ang matanda sa pagsakay.
Umakyat na ang bus sa flyover, at isinara na ng kundoktor ang pintuan ng bus para na rin iwas-huli, iwas disgrasya bawal kasi ang bukas na pinto sa highway. “Pasahe lang po!” sabay kalansing ng kundoktor sa mga baryang hawak niya sa kamay. “Saan poi to? Saan galing? Barya lang po. 30 lang ho.” Mga salitang paulit-ulit mong maririnig sa kanya habang kinukolekta ang mga pasahe ng mga nakasakay hanggang sa dulong upuan ng bus. “O yung wala pa po dyan!” pahabol pa nito. Kailangan kasing kumpleto ang makuha niyang pasahe dahil 2 beses kung sila ay inspeksyunin ng mga cheker ng kanilang kompanya. Dahil pag nagkataong ito ay kulang, ibabawas ito sa sahod nila. “Kuya sobra sukli mo” kalabit ng estudyante sa konduktor. “Salamat ha” sabay ngiti ng konduktor tanda ng kagalakan nito dahil sa katapatan ng estudyante. “Dagdag kita din to” wika nito sa kanyang sarili. “Hoy Mama sukli ko kanina pa!!” ang sigaw ng babae na bumasag sa katahimikan ng mga pasahero, dahil di pa nito nakukuha ang sukli niya. “Mam pasensiya na po nag-ipon pa kasi ako ng baryang panukli.”pagpapaliwanag ng konduktor habang ang nasa isipan niya’y hindi naman niya magagawang itakbo ang sukli nito.
Nang makarating na ang bus sa sumunod na destinasyon, pumwesto na ito sa pintuan ng sasakyan para alalayan ang mga pasaherong gustong bumaba sa isang lugar. “O mga Alabang dyan dito na lang po” nagsibabaan na ang ilan. Patuloy pa rin sa pagbiyahe ang bus, “Mama Para!” sigaw ng isang Mam. “Mam bawal po dito” sagot ng konduktor. Hanngang sa huminto na ang bus sa may plakang “Loading/Unloading”. “Ano ba yan ang layo-layo naman!” sabay dabog ng Mam sa pagbaba nito marahil siguro’y nainis dahil malayo ang kanyang lalakarin. Sa isip-isip ng konduktor at driver, di naman talaga pwedeng magbaba sa lugar na gusto niya at pag di sila sumunod mahuhuli sila ng traffic enforcer ng wala sa oras, baka ikabawas pa ng kanilang kita. Bigla tuloy naalala ng konduktor nung mga unang araw niya sa pagkokonduktor. Mas masahol pa ang inaabot niyang sigaw at reklamo. Minsan kasi ay nalilito siya sa pagbibigay ng ticket o pagsusukli, at minsan nama’y nababagalan ang mga pasahero sa kanya. “Ano ba yan tatanga-tanga naman tong konduktor na to!” ang minsa’y naulinigan niyang bulungan ng dalawang kababaihan. “Pasensiya na baguhan pa lang kasi ako” sambit na lang ng konduktor sa kanyang sarili.
May mangilan-ngilan pa ring sumakay sa bus at nagpatuloy pa rin ang konduktor sa pagtawag at pagkulekta ng pasahe at paminsan pa’y nagpapatunog ng barya sa bakal na kapitan ng bus hudyat na may bababa. Nagpatuloy siya sa pagpapatunog ng barya sa bakal sa bawat lugar na nais babaan ng ilang pasahero tanda ng pag-alalay nito sa mga pasahero.
Sa wakas, nasa terminal na sila ng kanilang bus, isang biyahe na naman ang natapos nila. Nagdesisyon muna sila na kumain muna at magpahinga ng sandali. Habang kumakain nasa isip ng konduktor na kailangan pa niyang sumigaw ng sumigaw mamaya para makakuha ng maraming pasahero at makakota. Tamang-tama magbibirthday ang bunso niya sa darating na Lunes, gusto sana niya itong bigyan ng handa kahit pansit lamang at puto. Isa pa kailangan niyang kumita ng sapat para mabigyan ng pera ang kanyang asawa para sa gastusin sa bahay, sa pagkain nila, sa kuryente, sa tubig, sa ilang bilihin at sa pag-aaral ng kanyang 2 anak. Dibale nang hindi muna siya makabili ng bagong pantalon, mapagtiyatiyagaan pa ang suot niya dahil maliit lang naman ang butas nito sa tuhod. “Ipapatahi ko na lang kay Misis, pwede pa naman to.” sambit na lamang niya. “Hoy pare, tara na biyahe na ulit tayo!” tapik sa kanya ng Driver na katuwang niya sa kanilang biyahe. “Oo sige, tapusin ko lang kinakain ko susunod na ako”. Sabay una na ng kapartner niya. Napabuntunghiniga na lamang ang konduktor dahil panibagong biyahe na naman ang haharapin niya. Sasaluhin na naman niya ang lahat ng alikabok sa kalsada. Sasalubungin ang mga masusungit at ilang pasaway na pasahero. Magtatawag ng magtatawag hanggang minsa’y mawalan na siya ng boses. Magpapatuloy sa pangongolekta, pagbibigay ng ticket, at pagsusukli sa mga sineserbisyuhan. Patuloy na magbibilang ng pasahe at sisiguraduhing tiyak ito dahil ire-remit na ito mamaya sa kahera, dahil ayaw niya ring makulangan. Araw-araw, paulit-ulit ganito ang kanyang Gawain ngunit ito ay kanyang pinagsisikapan para na rin sa kanyang pamilya, hindi alintana kung ano man ang haharapin niya sa susunod nilang biyahe. “Hayy panibagong biyahe ko na naman! Panibago na namang pagharap sa biyahe ng aking buhay, ng aking buhay konduktor!”
No comments:
Post a Comment
Your feedback is highly appreciated