Here’s one of my piece that I submitted to Filipina contest that i wanna share and I hope it can impart something:
(Isang pagsasalarawan sa tunay na kalagayan ng ilan sa ating mga kababayang Filipina Domestic Helper sa ibang bansa)
Filipina DH
“Kamusta na diyan ate? Sana nasa mabuti ka parating kalagayan.” Wika ni Totoy sa telepono habang kausap ang ateng nasa ibang bansa. “Oo naman toy, kasi para rin sa atin ito at kina Inang, alagaan mo silang mabuti at mag-ingat din kayo palagi.” Sambit sa telepono ng naluluhang si Maria, isang Filipina Domestic Helper na mas ginustong manilbihan sa among dayuhan para matustusan ang pag-aaral ng 3 kapatid pati ang gamot ng kanyang maysakit na ina. Ito ay ilan lamang sa mga pamilyar na katagang ating tuwinang maririnig sa pagkakamustahan sa telepono ng mga pamilyang nagkakalayo para na rin sa kani-kanilang ikabubuhay. Mas pinili nilang mangibang-bansa at malayo sa mga minamahal para lamang may maipadala sa kani-kanilang pamilya na naiwan dito sa ating bayan.
Tinitiis ang pagod, hirap, panganib, minsa’y pang-aalipusta at pangungulila sa kanilang mahal sa buhay para lamang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Linis dito linis doon, luto dito luto doon, alaga dito alaga doon, samahan na rin natin ng mura dito mura doon, sampal dito sampal doon, bugbog dito bugbog doon. Ilan lamang ito sa mga gawaing nabubuno ni Maria sa maghapon-magdamag na kung minsan pa’y wala ng pahinga. At kapag nakahanap siya ng pagkakataon para makapagpahinga kahit panandalian, di niya maiwasang mapaluha, mapaisip.. Oo mapaisip hindi para sa sarili kundi isa-isang nagtatakbuhan sa kanyang isipan ang mga kahilingan ng kanyang pamilya. “Ate matrikula ko na sa susunod na linggo, Ate ubos na ang gamot ni Inang, Ate kailangan ko ng pam-project, Ate yung bayad daw sa upa, ilaw, tubig, Ate bilhan mo naman ako ng cellphone diyan, Ate may sakit daw si Tita, Ate nasira na yung TV natin, Ate nagtaas na naman ang bilihin dito.” Hindi maiwasang makaramdam ng pangamba at pagka-inip sa kanyang mukha kung kailan na naman kaya siya makapagpapadala sa kanyang pamilya para sa mga pangangailangan nito. Minsa’y naisip rin niya na sana nga ay naiingatan at hindi nalulustay ang kanyang mga pinaghirapan bilang ganti na lamang sa mga hirap na kanyang tinitiis para kumita ng pera sa dayuhang bansa na ito. Kahit sa pagpapatuloy ng kanyang trabaho, naroon pa rin ang pagtakbo ng kanyang isipan at di man lang alintana ang sunud-sunod na utos-pasigaw ng kanyang among banyaga. Maria do this, Maria do that, Cook this, Wash this, Wipe this, Remove this, Hold this, Clean this, Create this, Do this to me, Don’t eat, don’t go outside, Don’t go back home,… kulang na lang ay sabihin ng banyaga na "Alipin ko na pagkatao mo pati kaluluwa mo!"
Di man lang sumagi sa isipan ng mga banyagang ito ang hirap na dinaranas ng mga kababayan nating Filipina Domestic Helper sa kamay nila. Wala silang pakialam kung masaktan o mabastos ang mga taong ito, basta’t ang kanila isa kang alipin na dapat magsilbi sa amo sa lahat ng oras. Kung ituring ay parang isang hayop, at kapag nagreklamo hindi ka pakakainin o papayagan man lang makauwi sa pamilya. Minsan nama’y kapag inabot pa ng kamalasan napagsasamantalahan ng mga among lalaki, uuwi sa pamilyang puro bugbog, kung minsa’y wala na sa katinuan o kung mabibigo ay uuwi sa pamilyang wala ng buhay…
“Ate kelan ka ba uuwi? Miss na miss ka na namin. Umuwi ka na.” tanong ni Totoy sa kanyang Ate. “Toy di ko pa alam… di ko pa alam, baka makauwi….. o baka… baka hindi na….!”
Ito ang realidad na napakasakit tanggapin para sa ating mga kababayang nagsisikap magtrabaho sa ibang bayan para lamang kumita ng sapat na salaping maipang-tutustos sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Akala ng iba kapag may mahal ka sa buhay na nangibambansa, mayaman ka may pera ka. Pero hindi! Mahirap ang buhay ng mawalay sa pamilya at magsilbi sa taong hindi mo naman kaano-ano o kababayan man lang. Ibang tao na kung ang pagturing sa kasambahay ay isang alila, alipin! Lahat ng kanilang pinaghihirapan ay dapat na pinahahalagahan hindi lamang ng pami-pamilya kundi nating mga kapwa Pilipino. Sila ay may malaking naitutulong sa estado ng ating bansa dahil sa mga pinapadala nilang dolyares. Huwag nating hayaan na sila ay maabuso at maalipusta ng kung sinu-sino lang na wala naman ni katiting na karapatan para yurakin ang kanilang mga pagkatao. Malayo man sila sa atin, pinag-iisa naman ang ating mga adhikain kaya’t kahit sa simpleng pamamaraan tayo ay may magagawa para sila ay ating ma-alalayan at matulungan dahil bawat Filipina DH sa dayuhang bansa ay siyang kumakatawan sa ating inang bayan, sa ating mga Pilipino. Sila ay mga Filipina DH na maituturing na mga “die hard”, patunay na sila ay patuloy na nag-eexist, nadadagdagan, nagsusumikap at handang tiisin ang lahat para sa pamilya. Tao rin sila na kailangan ng pagpapahalaga, pagmamahal at respeto hindi lang bilang babae kundi bilang tao. Bawat isa sa kanila ay may karapatan.. karapatang maging malaya, karapatang lumigaya, karapatang mabuhay! Dahil sila ay kasambahay, isang Filipina.
“Toy ingat kayo palagi diyan, yung mga pinadadala ko tipirin niyo muna..”
sabi ni Maria.
“Bakit ate” tanong ng naguguluhang si Totoy sa tinuran ng kanyang ate.
“Wala! Basta ingatan mo sila Inang, pakisabi sa kanila Mahal ko sila.. Ingatan mo rin sarili mo Toy…… Matagal mawawala ang ate….”
<3<3<3 Admin Aey <3<3<3
No comments:
Post a Comment
Your feedback is highly appreciated