Total Pageviews

Showing posts with label ofw. Show all posts
Showing posts with label ofw. Show all posts

Wednesday, September 28, 2011

Buhay Konduktor

This is also one of my writing that I want to share. This one pertains to daily life of a bus conductor that also mirrors the life of an ordinary employee here in the Philippines. 
(Life of a Bus Conductor)

“Oh Alabang, Susana, San Pedro! Marami pa makakupo, makakaupo!” Sigaw ng konduktor sa mga pasaherong nag-aabang ng masasakyan sabay ang pagsampa sa hagdan ng iilang taong patungo na sa kani-kanilang destinasyon. Biyaheng Pacita – Malinta ang plakang nakalagay sa unahang salamin ng ordinaryong bus, malaki ito at laging may nakalagay na “E-pass” at “Skyway” para naman makatawag pansin sa mga pasaherong nagmamadali. Ngunit kung minsa’y magtyatyaga na lang sa pagtatawag kahit walang “Skyway-Epass” na nakapaskil. Todo sa pagtawag ang konduktor para makakota sa maghapong kikitain, “O marami pa makakupo, San Pedro – Pacita Skyway!”  Muling sigaw ng konduktor sa sumunod na lugar na hinintuan ng bus. Wala masyadong pasahero palibhasa’y nataong Sabado, ngunit kung ordinaryong araw ng pasok ng mga empleyado nakakarami ng pasahero, pero minsan talaga’y kuntento na sa pangilan-ngilang seserbisyuhan. “Ano ba yan, ang tagal naman niyan!” bulyaw ng isang matabang mamang pasahero, dahilan upang mag-umpisa na ring magreklamo ang mangilan-ngilang pasahero. “Male-late na kami niyan sa trabaho” sigaw pa ng isang babaeng nakapang-opisina. Patuloy pa rin sa pagrereklamo ang iilang pasahero. “Pasensiya na ho kelangan talagang kumota!”  pagdepensa ng konduktor. “Sana’y inagahan niyo ang alis para hindi kayo male-late, pare-parehas naman po tayong naghahanapbuhay!” sambit na lang ng konduktor sa kanyang sarili. “O Pacita-Susana!” Ang huling hirit na tawag ng kundoktor sa mga naka-antabay na pasahero sa kalsada. “Hop – may sasakay” wika ng kundoktor sa driver para habulin ang matandang babaeng kumakaway, senyales na ito ay sasakay. “Oh Nay hawak po” sabi ng konduktor habang inaalalayan ang matanda sa pagsakay.

 Umakyat na ang bus sa flyover, at isinara na ng kundoktor ang pintuan ng bus para na rin iwas-huli, iwas disgrasya bawal kasi ang bukas na pinto sa highway. “Pasahe lang po!” sabay kalansing ng kundoktor sa mga baryang hawak niya sa kamay. “Saan poi to? Saan galing? Barya lang po. 30 lang ho.” Mga salitang paulit-ulit mong maririnig sa kanya habang kinukolekta ang mga pasahe ng mga nakasakay hanggang sa dulong upuan ng bus. “O yung wala pa po dyan!” pahabol pa nito. Kailangan kasing kumpleto ang makuha niyang pasahe dahil 2 beses kung sila ay inspeksyunin ng mga cheker ng kanilang kompanya. Dahil pag nagkataong ito ay kulang, ibabawas ito sa sahod nila. “Kuya sobra sukli mo” kalabit ng estudyante sa konduktor. “Salamat ha” sabay ngiti ng konduktor tanda ng kagalakan nito dahil sa katapatan ng estudyante. “Dagdag  kita din to” wika nito sa kanyang sarili. “Hoy Mama sukli ko kanina pa!!” ang sigaw ng babae na bumasag sa katahimikan ng mga pasahero, dahil di pa nito nakukuha ang sukli niya. “Mam pasensiya na po nag-ipon pa kasi ako ng baryang panukli.”pagpapaliwanag ng konduktor habang ang nasa isipan niya’y hindi naman niya magagawang itakbo ang sukli nito.

Nang makarating na ang bus sa sumunod na destinasyon, pumwesto na ito sa pintuan ng sasakyan para alalayan ang mga pasaherong gustong bumaba sa isang lugar. “O mga Alabang dyan dito na lang po” nagsibabaan na ang ilan. Patuloy pa rin sa pagbiyahe ang bus, “Mama Para!” sigaw ng isang Mam. “Mam bawal po dito” sagot ng konduktor. Hanngang sa huminto na ang bus sa may plakang “Loading/Unloading”. “Ano ba yan ang layo-layo naman!” sabay dabog ng Mam sa pagbaba nito marahil siguro’y nainis dahil malayo ang kanyang lalakarin. Sa isip-isip ng konduktor at driver, di naman talaga pwedeng magbaba sa lugar na gusto niya at pag di sila sumunod mahuhuli sila ng traffic enforcer ng wala sa oras, baka ikabawas pa ng kanilang kita. Bigla tuloy naalala ng konduktor nung mga unang araw niya sa pagkokonduktor. Mas masahol pa ang inaabot niyang sigaw at reklamo. Minsan kasi ay nalilito siya sa pagbibigay ng ticket o pagsusukli, at minsan nama’y nababagalan ang mga pasahero sa kanya. “Ano ba yan tatanga-tanga naman tong konduktor na to!” ang minsa’y naulinigan niyang bulungan ng dalawang kababaihan. “Pasensiya na baguhan pa lang kasi ako” sambit na lang ng konduktor sa kanyang sarili.

May mangilan-ngilan pa ring sumakay sa bus at nagpatuloy pa rin ang konduktor sa pagtawag at pagkulekta ng pasahe at paminsan pa’y nagpapatunog ng barya sa bakal na kapitan ng bus hudyat na may bababa. Nagpatuloy siya sa pagpapatunog ng barya sa bakal sa bawat lugar na nais babaan ng ilang pasahero tanda ng pag-alalay nito sa mga pasahero.

Sa wakas, nasa terminal na sila ng kanilang bus, isang biyahe na naman ang natapos nila. Nagdesisyon muna sila na kumain muna at magpahinga ng sandali. Habang kumakain nasa isip ng konduktor na kailangan pa niyang sumigaw ng sumigaw mamaya para makakuha ng maraming pasahero at makakota. Tamang-tama magbibirthday ang bunso niya sa darating na Lunes, gusto sana niya itong bigyan ng handa kahit pansit lamang at puto. Isa pa kailangan niyang kumita ng sapat para mabigyan ng pera ang kanyang asawa para sa gastusin sa bahay, sa pagkain nila, sa kuryente, sa tubig, sa ilang bilihin at sa pag-aaral ng kanyang 2 anak. Dibale nang hindi muna siya makabili ng bagong pantalon, mapagtiyatiyagaan pa ang suot niya dahil maliit lang naman ang butas nito sa tuhod. “Ipapatahi ko na lang kay Misis, pwede pa naman to.” sambit na lamang niya. “Hoy pare, tara na biyahe na ulit tayo!” tapik sa kanya ng Driver na katuwang niya sa kanilang biyahe. “Oo sige, tapusin ko lang kinakain ko susunod na ako”. Sabay una na ng kapartner niya. Napabuntunghiniga na lamang ang konduktor dahil panibagong biyahe na naman ang haharapin niya. Sasaluhin na naman niya ang lahat ng alikabok sa kalsada. Sasalubungin ang mga masusungit at ilang pasaway na pasahero. Magtatawag ng magtatawag hanggang minsa’y mawalan na siya ng boses. Magpapatuloy sa pangongolekta, pagbibigay ng ticket, at pagsusukli sa mga sineserbisyuhan. Patuloy na magbibilang ng pasahe at sisiguraduhing tiyak ito dahil ire-remit na ito mamaya sa kahera, dahil ayaw niya ring makulangan. Araw-araw, paulit-ulit ganito ang kanyang Gawain ngunit ito ay kanyang pinagsisikapan para na rin sa kanyang pamilya, hindi alintana kung ano man ang haharapin niya sa susunod nilang biyahe. “Hayy panibagong biyahe ko na naman! Panibago na namang pagharap sa biyahe ng aking buhay, ng aking buhay konduktor!”

<3<3<3 Admin Aey <3<3<3

Buhay DH

Here’s one of my piece that I submitted to Filipina contest that i wanna share and I hope it can impart something:

(Isang pagsasalarawan sa tunay na kalagayan ng ilan sa ating mga kababayang Filipina Domestic Helper sa ibang bansa)
 Filipina DH 

“Kamusta na diyan ate? Sana nasa mabuti ka parating kalagayan.” Wika ni Totoy sa telepono habang kausap ang ateng nasa ibang bansa. “Oo naman toy, kasi para rin sa atin ito at kina Inang, alagaan mo silang mabuti at mag-ingat din kayo palagi.” Sambit sa telepono ng naluluhang si Maria, isang Filipina Domestic Helper na mas ginustong manilbihan sa among dayuhan para matustusan ang pag-aaral ng 3 kapatid pati ang gamot ng kanyang maysakit na ina. Ito ay ilan lamang sa mga pamilyar na katagang ating tuwinang maririnig sa pagkakamustahan sa telepono ng mga pamilyang nagkakalayo para na rin sa kani-kanilang ikabubuhay. Mas pinili nilang mangibang-bansa at malayo sa mga minamahal para lamang may maipadala sa kani-kanilang pamilya na naiwan dito sa ating bayan.

Tinitiis ang pagod, hirap, panganib, minsa’y pang-aalipusta at pangungulila sa kanilang mahal sa buhay para lamang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Linis dito linis doon, luto dito luto doon, alaga dito alaga doon, samahan na rin natin ng mura dito mura doon, sampal dito sampal doon, bugbog dito bugbog doon. Ilan lamang ito sa mga gawaing  nabubuno ni Maria sa maghapon-magdamag na kung minsan pa’y wala ng pahinga. At kapag nakahanap siya ng pagkakataon para makapagpahinga kahit panandalian, di niya maiwasang mapaluha, mapaisip.. Oo mapaisip hindi para sa sarili kundi isa-isang nagtatakbuhan sa kanyang isipan ang mga kahilingan ng kanyang pamilya. “Ate matrikula ko na sa susunod na linggo, Ate ubos na ang gamot ni Inang, Ate kailangan ko ng pam-project, Ate yung bayad daw sa upa, ilaw, tubig, Ate bilhan mo naman ako ng cellphone diyan, Ate may sakit daw si Tita, Ate nasira na yung TV natin, Ate nagtaas na naman ang bilihin dito.” Hindi maiwasang makaramdam ng pangamba at pagka-inip sa kanyang mukha kung kailan na naman kaya siya makapagpapadala sa kanyang pamilya para sa mga pangangailangan nito. Minsa’y naisip rin niya na sana nga ay naiingatan at hindi nalulustay ang kanyang mga pinaghirapan bilang ganti na lamang sa mga hirap na kanyang tinitiis para kumita ng pera sa dayuhang bansa na ito. Kahit sa pagpapatuloy ng kanyang trabaho, naroon pa rin ang pagtakbo ng kanyang isipan at di man lang alintana ang sunud-sunod na utos-pasigaw ng kanyang among banyaga. Maria do this, Maria do that, Cook this, Wash this, Wipe this, Remove this, Hold this, Clean this, Create this, Do this to me, Don’t eat, don’t go outside, Don’t go back home,… kulang na lang ay sabihin ng banyaga na "Alipin ko na  pagkatao mo pati kaluluwa mo!"

Di man lang sumagi sa isipan ng mga banyagang ito ang hirap na dinaranas ng mga kababayan nating Filipina Domestic Helper sa kamay nila. Wala silang pakialam kung masaktan o mabastos ang mga taong ito, basta’t ang kanila isa kang alipin na dapat magsilbi sa amo sa lahat ng oras. Kung ituring ay parang isang hayop, at kapag nagreklamo hindi ka pakakainin o papayagan man lang makauwi sa pamilya. Minsan nama’y kapag inabot pa ng kamalasan napagsasamantalahan ng mga among lalaki, uuwi sa pamilyang puro bugbog, kung minsa’y wala na sa katinuan o kung mabibigo ay uuwi sa pamilyang wala ng buhay…

“Ate kelan ka ba uuwi? Miss na miss ka na namin. Umuwi ka na.” tanong ni Totoy sa kanyang Ate. “Toy di ko pa alam… di ko pa alam, baka makauwi….. o baka… baka hindi na….!”

Ito ang realidad na napakasakit tanggapin para sa ating mga kababayang nagsisikap magtrabaho sa ibang bayan para lamang kumita ng sapat na salaping maipang-tutustos sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Akala ng iba kapag may mahal ka sa buhay na nangibambansa, mayaman ka may pera ka. Pero hindi! Mahirap ang buhay ng mawalay sa pamilya at magsilbi sa taong hindi mo naman kaano-ano o kababayan man lang. Ibang tao na kung ang pagturing sa kasambahay ay isang alila, alipin! Lahat ng kanilang pinaghihirapan ay dapat na pinahahalagahan hindi lamang ng pami-pamilya kundi nating mga kapwa Pilipino. Sila ay may malaking naitutulong sa estado ng ating bansa dahil sa mga pinapadala nilang dolyares. Huwag nating hayaan na sila ay maabuso at maalipusta ng kung sinu-sino lang na wala naman ni katiting na karapatan para yurakin ang kanilang mga pagkatao. Malayo man sila sa atin, pinag-iisa naman ang ating mga adhikain kaya’t kahit sa simpleng pamamaraan tayo ay may magagawa para sila ay ating ma-alalayan at matulungan dahil bawat Filipina DH sa dayuhang bansa ay siyang kumakatawan sa ating inang bayan, sa ating mga Pilipino. Sila ay mga Filipina DH na maituturing na mga “die hard”, patunay na sila ay patuloy na nag-eexist, nadadagdagan, nagsusumikap at handang tiisin ang lahat para sa pamilya. Tao rin sila na kailangan ng pagpapahalaga, pagmamahal at respeto hindi lang bilang babae kundi bilang tao. Bawat isa sa kanila ay may karapatan.. karapatang maging malaya, karapatang lumigaya, karapatang mabuhay! Dahil sila ay kasambahay, isang Filipina.

“Toy ingat kayo palagi diyan, yung mga pinadadala ko tipirin niyo muna..”
sabi ni Maria.

“Bakit ate” tanong ng naguguluhang si Totoy sa tinuran ng kanyang ate.

“Wala! Basta ingatan mo sila Inang, pakisabi sa kanila Mahal ko sila.. Ingatan mo rin sarili mo Toy……  Matagal mawawala ang ate….”


<3<3<3 Admin Aey <3<3<3

Sharing it to the world!